Thursday, January 5, 2012

Baha

Tinatantya kung hanggang saan ang abot ng tubig

Itutupi ang pantalon

Magpapaa

Kahit gaanong kalalim ang baha

Ay kaya nating suungin

Basta’t hawak-hawak lamang ang isa’t-isa



Bakit ngayong wala na ang ulan

at tuyo na rin ang mga kalsada

doon ka pa bumitaw?

MRT

Ihahatid sa ibaba ng istasyon sa Quezon Avenue

Magpapaalam sa isa’t-isa baon ang mga binitiwang pangako

Ilang araw lamang naman ang lilipas,

Ilang karo ng tren lamang naman ang pagdadadaan

Titiisin ang sari-saring amoy ng mga taong malalayo din ang lakbayin,

Makikipagsiksikan, makikipag-agawan,

Hindi iindahin ang trenta minutos na byahe papuntang baclaran,

Bababa na may ngiti sa mga labi.

Ang buhay daw parang byahe sa tren: mabilis, may takdang destinasyon.



Inihatid sa ibaba ng istasyon sa Quezon Avenue

Nagpapaalam sa isa’t-isa sa kahulihulihang pagkakataon

Ilang araw, ilang buwan na naman ang lilipas,

Ilang karo ng tren na naman ang pagdadadaan

Magtitiis sa sari-saring amoy ng mga taong pagod at malalayo din ang lakbayin,

Makikipagsiksikan, makikipag-agawan,

Hindi mamamalayan ang trenta minutos na byahe papuntang baclaran.